Mister todas sa lover ni misis

Sa imbestigasyon ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, ala-1:15 ng madaling araw kamakalawa nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Crisolita St., San Andres Bukid. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Isang waiter ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng lover ng kanyang misis, kamakalawa sa  Maynila.

Hindi na naisalba pa ng mga doktor sa Medical Center Manila (MCM) ang biktimang si Carlito Tazarte, 37, ng Batangas Lane, Paco dahil sa tinamong mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Mabilis namang nakatakas ang suspek na nakilalang si Jefferson Latinazo, 25, ng Tondo, Maynila.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, ala-1:15 ng madaling araw kamakalawa nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Crisolita St., San Andres Bukid.

Hindi inaasahang magtagpo sa isang inuman ang biktima at suspek. Tila nagkaroon ng pagkakataon si Latinazo na isagawa ang pagpatay dahil na rin sa  mga balita na kanyang  nasasagap.

Dito ay agad na inundayan ng saksak ni Latizano ang biktima at saka mabilis na tumakas gamit ang isang motorsiklo.

Sa pahayag naman ni Rowena, 33, misis ng biktima bagama’t matagal na silang hiwalay ay nagkakausap pa rin naman sila ng biktima dahil may anak silang dalagita. Kasalukuyan ay kalive-in umano niya ang suspek.

Posible umanong ikinagalit ng suspek sa biktima ay ang pagpupursige ng huli na makabalikan si Rowena na hindi naman matanggap ng una.

Show comments