Dalagang detainee, ni-rape ng parak sa presinto

 Nasaksihan umano ng isang PO3 Dacanay ang pang­yayari kaya inireport ito kay Senior Inspector Joselito De Ocampo dakong alas 9:00 ng gabi ng nasabing petsa kaya agad tumulak ang kaniyang grupo at tinungo ang bahay ni PO2 Agbulos upang arestuhin subalit wala ito sa kaniyang bahay. STAR/File photo

MANILA, Philippines – Iniutos ni Manila Police District Director Chief Supt. Rolando Z. Nana ang pagtugis sa isang miyembro ng MPD-station 4 na diumano’y gumahasa sa isang 21-anyos na dalaga na detainee noong nakalipas na Nobyembre 28.

Nabatid kay C/Supt Nana na hindi na nagdu-duty ang suspek na si PO2 Joel Agbulos, na ngayon ay AWOL ang  siyang inaakusahan ng pang-aabuso ng isang babaeng bilanggo na inaresto sa kasong trespass to dwelling noong Nobyenbre 28. Bandang alas 5:00 ng hapon ng araw ding iyon nang isagawa umano ang panghahalay ng suspek sa biktima sa loob ng locker room ng Investigation Branch ng MPD-station 4.

Nasaksihan umano ng isang PO3 Dacanay ang pang­yayari kaya inireport ito kay Senior Inspector Joselito De Ocampo dakong alas 9:00 ng gabi ng nasabing petsa kaya agad tumulak ang kaniyang grupo at tinungo ang bahay ni PO2 Agbulos upang arestuhin subalit wala ito sa kaniyang bahay.

Hiningan naman ng paliwanag ni P/Supt. Mannan Muarip, hepe ng station 4, ang lahat ng police officers na naka-duty ng araw na iyon upang malaman kung bakit naisagawa ang insidente at kung may katotohanan ang akusasyon.

Show comments