1 utas, 4 sugatan sa holdap

MANILA, Philippines - Patay ang isang balut vendor habang malubhang nasugatan ang apat pang lalaki nang pagbabarilin ng isang grupo ng mga holdaper na nanloob sa isang kumpanya sa Valenzuela City kamakalawa ng mada­ling araw.

Agad na nasawi ang biktimang si Percival Pestaño, 52, ng Sapang Bakaw St., Brgy. Lawang Bato, Valen­zuela habang isinugod naman sa Global Pacific Hospital sina Joseph Lozano, 42, may-ari ng JNG Concrete Products and Jonad Trucking­ sa may Mindanao Avenue Ex­tension Brgy. Ugong, Valenzuela, at si Russel Andrada, 29, cashier, ng RS Que Balag St., Brgy. Ugong.

Sa Chinese General Hospital naman ginagamot sina Rey Soriano, 38, ng Block 9 Lot 20 Richiane Subdivision, Anabu 2, Imus, Cavite; at isang hindi pa nakikilalang lalaking pahinante ng trak.

Tumakas naman ang nasa tatlo hanggang apat na salarin lulan ng isang puting sports utility vehicle (SUV).

Sa inisyal na ulat, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang biglang huminto ang puting SUV sa tapat ng establisimiyento ni Lozano at agad na pinagbabaril ng mga salarin ang sinumang makitang tao sa opisina. 

Minalas naman na nagbebenta ng balut si Pestaño na siyang pinakanapuruhan ng bala.

Nilimas ng mga holdaper ang laman ng kaha na aabot sa halagang P305,000, mga tseke na may halagang P51,911 at tatlong cellular phone ng mga biktima.

Rumesponde naman ang mga tauhan ng Police Community Precinct 8 sa lugar ngunit bigo na mahabol pa ang mga salarin. Patuloy naman ang Follow-up operation ng pulisya sa insidente.

 

Show comments