MANILA, Philippines – Patay ang isang 31anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng riding in tandem suspect sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Si Arnel Colar, binata ng 149-C Mapayapa St., Freedom Park 2, Brgy. Batasan hills sa lungsod ay agad na binawian ng buhay dahil sa tinamong mga tama ng bala sa kanyang katawan, ayon ulat ng pulisya. Blangko naman ang otoridad sa pagkakakilanlan ng mga salarin .
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Katagian St., ng nasabing barangay, ganap na alas-8:45 ng gabi.
Sabi ng testigong si Marlon Verba, kasalukuyan siyang nanonood ng debut party ng kaibigan nang makarinig sila ng mga putok ng baril hindi kalayuan sa lugar.
Dahil dito, nagpasya si Verba na tignan ang pinanggalingan ng putok kung saan pagsapit sa nasabing lugar ay nakita niya ang isang lalaki na may hawak ng baril ang naglalakad patungo sa isang kasamahang naghihintay sa motorsiklo at sumakay saka humarurot patungo sa Kalayaan Avenue.
Habang ang biktima naman ay nakita niyang duguang nakahandusay sa nasabing lugar. Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene narekober sa lugar ang limang basyo at dalawang tingga ng bala ng kalibre 45 baril at isang improvised handgun na may karga na isang bala ng kalibre 38 na hindi pumutok. Habang ang biktima ay nagtamo ng multiple gunshot wounds sa kanyang buong katawan.