MANILA, Philippines – Muli na namang kumitil ng buhay ang nakahiligang videoke, matapos na isang binata ang pinagtulungang paslangin ng tatlong mag-aama na nagalit dahil sa ginawang pag-off ng una sa videoke habang nagkakasayahan ang mga huli sa birthday party ng isa sa mga una sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Base sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD) nakilala ang biktima na si Bryan Linde, 27 ng 137 Pantranco compound, Himlayan Road, Barangay Pasong Tamo sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa pulisya, nadakip si Reynante Riota, 21, habang pinaghahanap ang ama nitong si Miguel at kapatid na si Roberto.
Lumilitaw na nangyari ang insidente sa kahabaan ng Pantranco compound, Himlayan Road ng naturang barangay, ganap na alas-6:30 ng gabi.
Sa salaysay ng testigong si Charlie Mangudlay kasalukuyan siyang nakikipag kuwentuhan sa mga bisita sa birthday party ni Reynante sa nasabing lugar nang dumating ang biktima at biglang pinatay ang videoke.
Sa puntong ito, nagalit ang suspect na si Miguel at nilapitan ang biktima saka kinompronta dahilan para mauwi ito sa mainitang pagtatalo. Dito ay tinulungan nina Reynante at Roberto ang ama.
Tinangka namang awatin ni Mangudlay ang mag-aama pero bigla umanong nagbunot ng patalim si Miguel at inundayan ng saksak sa dibdib ang biktima.
Dagdag ni Mangudlay, sa kabila ng naranasan ng biktima, hindi pa rin nakuntento ang tatlo at pinagtulungan pa nilang pagbubugbugin ito bago duguang bumuwal sa simento.
Matapos nito, nagpasya si Miguel na tumakas bitbit ang patalim na ginamit sa krimen, kasunod ang dalawang anak, pero mabilis na nakaresponde ang mga barangay tanod sa lugar at nadakip si Reynante.
Ang biktima ay naisugod pa ng kanyang nanay na si Antonia sa Quezon City General Hospital pero idineklara din itong dead on arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.