MANILA, Philippines – Nalambat na ng mga operatiba ng Quezon City Police Anti-Illegal Drugs ang isa sa itinuturing na no. 6 most wanted drug personality at lima katao na gumagamit umano ng shabu sa magkahiwalay na anti-drug operations sa dalawang barangay sa lungsod kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Chief Insp. Enrico Figueroa, hepe ng DAID, ang mga suspect na sina Florentino Bernardino, alyas Tino, 43, ang kilabot na tulak ng shabu sa lungsod; Gerardo Umali, 45; Alfredo Rodriguez, 51; Jonjon Buenaventura, 40 Marlon Moreno, 36; at Mary Rose Maquinad, 27
Ayon kay Figueroa, si Bernardino na kabilang sa street drug pusher ang itinuring na no.6 hanggang no.10 most wanted drug personality dahil sa notoryus na pagtutulak nito ng shabu sa lungsod. Ang limang suspect naman ay naaresto habang nagsasagawa ng pot session sa isang bahay sa Brgy. Pinyahan.
Sabi ni Figueroa, isinagawa ang one time bigtime, isang operatiba ng DAID ang nagkunwaring bibili ng shabu kay Bernardino na nagkakahalaga ng P5,000 kung saan sa nasabing lugar nagkasundo na magpalitan ng items. Nang magkaabutan ang dalawa ay saka dinamba ng iba pang naka-antabay na operatiba ng DAID si Bernardino kung saan narekober mula sa kanya ang may 10 piraso ng plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P10,000 hanggang P15,000 at buy-bust money.
Dagdag ni Insp. Francisco, pangunahing target ni Bernardino sa kanyang iligal na operasyon ang mga pangkaraniwang tao dahil direkta sa kanya ang bentahan ng droga at hindi na nanga-ngailangan ng malaking tao.
Aminado naman si Bernardino sa kanyang operasyon at ginagawa lamang anya niya ito para masuportahan ang kanyang bisyo tulad ng pagsusugal.
Samantala, ganap na alas 12:30 ng madaling araw nang isinagawa ang operasyon sa isang bahay sa Mapagbigay St., Brgy. Pinyahan, kung saan nadakip ang anim na mga suspect habang tumitira ng shabu.
Ayon kay Insp. Francisco, nangyari ang pagsalakay matapos na makatanggap sila ng impormas-yon hinggil sa isang talamak na paggamit ng shabu sa nasabing lugar.
Narekober sa lugar ang bulto ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P25,000 at mga drug paraphernalia.
Nakapiit ngayon ang mga suspect sa Camp Karingal habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic act 9165 o ang comprehensive dangerous act of 2002 na isasampa laban sa kanila.