MANILA, Philippines – Tigok ang isang lalaki na sinasabing snatcher nang tumalon sa ilog at malunod, sa pagtatangkang takasan ang mga bystander na humahabol sa kanya matapos siyang mambiktima sa Brgy. Rosario, Pasig City kamakalawa ng gabi.
Inilarawan ni Pasig City Police chief P/Senior Supt. Jose Hidalgo ang nasawi na nasa pagitan ng 40 hanggang 50-anyos, may taas na 5’2”, at may tribal tattoo sa kaliwang braso.
Isinugod pa sa Pasig General Hospital ang lalaki ngunit patay na ito bago pa man makarating sa pagamutan dahil sa pagkalunod.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na dakong alas-6:00 ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa Westbank Floodway, Jenny Avenue, Barangay Rosario.
Sinasabing nakitang nambiktima ang lalaki sa lugar kaya’t kaagad itong hinabol ng mga bystander. Sa pagtatangka namang makatakas mula sa mga humahabol sa kanya ay tumalon sa ilog Pasig ang lalaki ngunit minalas na malunod.
May isang oras pa ang nakalipas bago naiahon ng mga tauhan ng Barangay Rosario emergency response team ang bangkay ng lalaki.