MANILA, Philippines – Target ng Mandaluyong City government na magka-roon ng ‘zero street children’ sa kanilang lungsod ngayong papalapit na ang Christmas season.
Ito, ayon kay Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos, ay bunsod na rin nang dumaraming bilang ng mga batang namamalimos sa mga gilid ng kalsada at sa mga sasakyan dahil magpa-Pasko, sa kabila ng disgrasyang nakaamba sa kanila, na posibleng mauwi pa sa kamatayan.
Kasabay nito, binalaan ni Abalos ang mga magulang na mapaparusahan kung pababayaan nilang pakalat-kalat at namamalimos ang kanilang mga anak sa mga lansangan, partikular na sa mga lugar na accident-prone o takaw-aksidente.
Ayon kay Abalos, sa ilalim ng City Ordinance No. 538 o Code of Parental Responsibility, maaaring managot ang mga magulang na bigong gampanan ang kanilang tungkulin at responsibilidad sa kanilang mga anak.
Giit ni Abalos, hindi rin dapat na pinapayagan ng mga magulang ang kanilang mga anak na nagpapalabuy-laboy pa sa labas ng kanilang tahanan, sa pagitan ng curfew hours na mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw
Babala ni Abalos, sa sandaling makita ng mga awtoridad ang mga bata sa labas ng tahanan sa panahon ng curfew hours ay kaagad na pananagutin ang kanilang mga magulang dahil sa kapabayaan.
Nabatid na ang sinumang magulang na mapapatunayang nagpapabaya sa kanyang anak ay maaaring patawan ng P5,000 multa at pagkabilanggo ng hanggang isang taon, batay sa bilang ng paglabag nito sa ordinansa.
Kung hindi makakabayad, kinakailangan nitong mag- community service na katumbas ng multang ipinataw sa kanya.