MANILA, Philippines - Pansamantalang naantala ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT-3) kahapon ng umaga bunsod ng panibagong aberya na naganap sa isa sa mga tren nito. Ito’y naganap kasabay nang pag-arangkada kahapon ng imbestigasyon ng Senado sa estado ng MRT-3. Ayon sa traffic command center ng MRT, dakong alas-7:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa North Avenue Station sa Quezon City.
Nabatid na itinigil ng mga personnel ng MRT-3 ang pagpapasok ng mga pasahero sa southbound lane ng mga istasyon bunsod nang pagtigil ng isang depektibong tren. Tumagal ng kalahating oras bago tuluyang nahatak at naihatid sa depot ang depektibong tren. Inaalam pa ng mga awtoridad ang naging diprensya nito. Nang maialis ang nasirang tren ay kaagad namang naibalik sa normal ang operasyon ng MRT-3.