Obrero nakuryente sa hotel

MANILA, Philippines – Kritikal ang isang maintenance crew makaraang makuryente habang naglilinis ng mga tubo sa isang hotel sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.

Inoobserbahan ngayon sa San Juan de Dios Hospital dahil sa tinamong mga paso sa kamay at likod ang 22-anyos na si John Paul Quirit, tauhan ng Prime Manpower Services at naninirahan sa No. 17 Deropa St., Road 20 Project 8, Quezon City.

Sa ulat ng pulisya, nabatid na nagsasagawa ng maintenance cleaning ang mga tauhan ng Prime Manpower kabilang na si Quirit sa Marriot Grand Ballroom sa Resorts World Manila dakong alas-4:30 ng hapon nang maganap ang insidente.

Nililinisan umano ni Quirit ang isang tubo na nakakonekta sa kisame ng hotel nang biglang nagkikisay ito, nalaglag sa tinutuntungang decker trolley at bumagsak sa semento. Agad naman itong nasaklolohan ng mga kasamahan at naisugod sa pagamutan.

Posible umano na isang grounded na kawad ng kuryente ang nakadikit sa tubo na nahawakan ni Quirit.

Nangako naman ang pamunuan ng hotel na sasagutin ang lahat ng gastos sa pagpapagamot sa biktima.

Show comments