MANILA, Philippines – Isang negosyanteng Tsinoy ang natangayan ng mahigit P700,000 halaga ng alahas at cash makaraang mabiktima ng “Dugo-dugo gang” ang kanyang kasambahay sa Paco Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa reklamong idinulog kahapon sa pulisya ni Paolo Renen Hui, 27, ng Midtown Executives Homes, UN Avenue Paco, Maynila, naganap ang insidente alas- 5:00 ng hapon. Isang lalaki at 2 babae umano ang sinasabing mga suspek.
Tinawagan umano ng isang nagpakilalang Mark Aquino ang housemaid niyang si Hazel Viloria, inakala nito na amo ang kausap sa kabilang linya hanggang sa ipasa ang telepono sa dalawa pang suspek na isang nagpakilala umanong Arlene Garcia at Aileen.
Utos sa kaniya na dalhin ang lahat ng alahas at cash ng amo dahil naaksidente ito.
Agad namang sumunod ang kasambahay kung saan nakipagkita ang mga suspect sa isang mall sa Maynila at tinangay ang mga cash at alahas at doon na rin iniwan ang katulong.
Nasa kustodiya ang kasambahay kaugnay sa isinasagawang interogasyon kung may kinalaman ito sa modus operandi ng grupo.