Bilibid ginalugad: Mga baril, bala, droga nasamsam

Ang sangkaterbang mga baril at bala na nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Corrections at PDEA sa isinagawang sorpresang raid sa maximum security compound ng National Bilibid Prison kahapon ng madaling-araw. Kriz John Rosales

MANILA, Philippines – Sa kabila ng pinatutu-pad na mahigpit na seguridad, saku-sakong kontrabando na nakalagay sa mga naglalakihang plastic, na kinabibilangan ng mga matataas na kalibre ng baril, bala, droga, patalim, appliances at cash ang nasamsam sa tatlong gusali ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City  matapos ang isinagawang “Oplan Galugad” , kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa tagapagsalita ng NBP na si Monsignor Roberto “Bobby” Olaguer, alas-4:30 kahapon ng madaling-araw nang sorpresang salakayin ng mga awtoridad ang building 2, 5, at 9 sa Maximum Security Compound.

Nasamsam sa mga ku­bol ng iba’t-ibang gang ang mga malalaking plastic, na naglalaman ng M-16 armalite, baby armalite, shotgun, kalibre .45 baril at 9mm pistol, mga impro­vised deadly weapons, hindi mabatid na dami ng shabu, electronic gadget, tulad ng signal booster, cellphone, television  plus, DVD player, refrigerator, drug paraphernalias, sex toys, cash na, nagkakahalaga ng P140,000.00.

Pitong oras  ang itinagal ng operasyon hanggang sa mapansin ng raiding team ang  bagong simento, na ma­lapit sa palikuran sa loob ng naturang bilangguan.

Naghinala ang mga awtoridad at agad nila itong winasak at hinukay hanggang sa nakita nga nila ang napakaraming kontrabando.

Matatandaan, na noong Oktubre 22 ng taong ka­salukuyan ay pinaslang ang dating Masbate Jail Warden na si Charlie Qui­­­dato, na pumatay kay da­ting Masbate Mayor Moises Espinosa, matapos itong pagbabarilin sa loob ng nabanggit na bilangguan ng mismong kakosa nito.

Show comments