MANILA, Philippines – Isang saksak sa dibdib ang ikinamatay ng isang lalaki na sinaksak ng isang security guard sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Ayon kay PO3 Alvin Quisumbing, may-hawak ng kaso, ang biktima ay nakilalang si John Marvic Paolo Santa Juana Rayo, at stay-in sa INC central Office na matatagpuan sa Central Avenue sa lungsod.
Arestado naman ang suspect na si Rufino Ando, 50, may-asawa, security guard ng PNP Balanga Bataan branch at residente sa no. 33 Tatalong Munti, Brgy. Culiat, sa lungsod.
Sabi ni Quisumbing, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Anahaw St., Brgy. Veterans Village, Project 7, sa lungsod, ganap na alas 3:45 ng hapon.
Bago ito, ang biktima kasama ang testigong si Charito Fernandez, asawa ng suspect, ay naglalakad sa kahabaan ng Edsa kanto ng Bansalangin St., Brgy. Veterans Village nang biglang dumating ang suspect at hinabol ang una.
Pagsapit sa Anahaw St., ay nakorner ng suspect ang biktima, saka inundayan ang huli ng saksak sa dibdib na agad na ikinamatay nito.
Samantala, sa ginawang follow up operation ng mga rumespondeng tropa ng Police Station 2, ay agad na naaresto ang suspect sa may Batoda tricycle terminal na matatagpuan sa kahabaan ng Commonwealth Ave., kanto ng Batasan Road.
Selos ang tinitignang motibo ng otoridad sa nasabing krimen.
Nakapiit ngayon ang suspect sa himpilan ng QCPD-Criminal investigation and Detection Unit para sa kaukulang disposisyon.