Negosyante nasalisihan ng ‘akyat-bahay gang’

Negosyante nasalisihan ng ‘akyat-bahay gang’ 

MANILA, Philippines - Nagsimula na kahapon na sumalakay ang grupo ng ‘‘akyat-bahay gang’’ kaalinsabay ng Undas, makaraang isang negosyanteng ginang na pansamantalang iniwan ang kanyang bahay dahil sa bibili lamang ng kandila ang naging biktima ng mga ito sa Pasig City.

Nagtungo  at nagharap ng reklamo sa Pasig police ang   biktima na kinilalang si Venus Diaz, 45, ng Sixto Antonio Ave, Brgy. Maybunga, Pasig City.

Sa reklamo ni Diaz, sinabi nito na umalis siya ng kanilang tahanan, dakong alas-7:00 ng umaga at pagbalik nito ng alas-11:00 ng uma­ga ay nakita nitong sira ang bintana sa kanyang master bedroom.

Agad na tinungo ang kuwarto nito at doon niya natuklasan na nawawala na ang kanyang P300,000 cash at mga alahas na nagkakahalaga ng kalahating milyong piso sa loob ng kanyang jewelry box.

Ayon sa biktima, posibleng minanmanan siya ng mga suspek sa kanyang pag-alis ng tahanan para bumili ng kandila sa palengke at mabilis na sinalisihan.

Nagsasagawa ngayon ng follow up operation ang mga awtoridad para matukoy at madakip ang mga kawatan na miyembro ng akyat bahay gang.

Kasabay nito patuloy na­mang nagpapaalala ang pulis-ya sa mga magtutungo sa sementeryo na maging maingat at vigilant sa mga gagawing pagsalakay ng mga kawatan.

Show comments