MANILA, Philippines - Patay sa bugbog ng kanyang mga kakosa ang isang 45- anyos na lalaki na ikinulong sa Sta. Ana Police Station 6 dahil sa umano’y panghahalay sa 6-anyos na paslit, kamakalawa ng hapon sa Maynila.
Ayon kay PO3 Noel Santiago, hindi sa sakit na epilepsy namatay si Gerardo Argota, Jr., ng Tenement Building, Sta. Ana, Maynila na dinala sa Philippine General Hospital kung saan siya ipasusuri matapos na maaresto dahil sa sinasabing paghalay sa isang paslit sa rooftop ng isang gusali sa Sta. Ana, Maynila.
Kaugnay nito ay inilipat na ng Sta. Ana Police Station 6 sa kostudiya ng MPD Homicide section ang siyam na suspek sa pambubugbog kay Argota na sina Rowie Mañalac, Salvador Gozun, Louie Mamado, Alvin Magno, Bernardo Lasatin, Jhon Chris Lopez, Michael Dela Cruz, German Robles at Jade Villamor.
Batay sa imbestigasyon, nadakip ang biktima habang hinahalay ang isang batang babae sa rooftop ng Tenement Building sa Punta Sta. Ana noong madaling-araw ng Sabado, ikinulong sa Sta. Police Station 6, kung saan pinagtulungan bugbugin ng mga kapwa preso.
Linggo, Oktubre 25 nang ilipat sa pangangalaga ng MPD station 6 si Argota at alas-2:30 ng hapon ang biktima ay dinala nina P01 Keith Aris Manuzon at P01 Kenneth Campos sa piskalya ng Maynila upang isalang sa inquest proceeding nang makaramdam umano ng panginginig ng katawan na inakalang epilepsy, isinugod ng pulis sa PGH si Argota ngunit habang ginagamot ay binawian ng buhay.
Nabatid naman sa record ng medico legal na ang biktima ay nagtamo ng maraming pasa sa katawan dahil sa umano’y pananakit ng mga kapwa bilanggo. Hindi umano nakita ng jailguard sa nasabing himpilan ng pulis ang ginawang pambubugbog kay Argota.