MANILA, Philippines – Isa-isang bumagsak sa kamay ng Manila Police District (MPD) ang apat na lalaking responsable sa panggugulpi sa isang 14-anyos na totoy na nakaratay ngayon sa Ospital ng Sampaloc.
Nakilala ang mga suspect sa tulong ng closed circuit television (CCTV) at ang mga ito ay nahaharap sa kaukulang kaso.
Nakapiit na sa MPD-station 4 ang mga suspek na kinilalang sina Marlon Ligon, 21, 2nd year HRM sa EARIST; Angelo Dula, 20; Julius Beltran, 18 caretaker ng computer shop at Jadeban Estin, 20 estudyante ng Arellano University, at pawang residente ng Sampaloc, Maynila at responsable sa pagkaka-ospital ng biktimang si RFJ Silvestre, Grade 7.
Sa ulat mula sa tanggapan ni P/Supt. Mannan Muarip, dakong alas-5:00 ng madaling-araw noong Oktubre 24 umuwi ang biktima na gulpi sarado, puno ng sugat at halos hindi na makatayo bunga ng panggugulpi sa kaniya ng mga suspek gamit ang mga bote at kahoy batay sa kuha ng CCTV sa tapat ng ABE College sa Legarda St., Sampaloc.
Hindi na nagawa pang makapagsalita ng biktima sa tindi ng mga tama kaya nagtungo ang ina ng biktima sa nakasasakop na barangay at doon natukoy na may CCTV sa pinangyarihan. Unang nakilala ang suspek na si Beltran at nang ito ay imbitahan ng barangay ay natukoy na rin ang pagkakakilanlan ng apat pang nakita sa CCTV footage na sangkot sa nasabing panggugulpi.
Hindi pa malinaw kung ano ang dahilan ng isinagawang panggugulpi sa biktima.