MANILA, Philippines – Nasa malubhang kalagayan ang isang barangay kagawad sa Caloocan City makaraang mabaril ng security guard ng isang convenience store sa gitna ng pagtatalo ukol sa parking, kahapon ng tanghali.
Agad na naisugod sa pinakamalapit na pagamutan si Ali Tandual, kagawad ng Brgy. 188 Tala, Caloocan, matapos magtamo ng tama ng bala sa katawan.
Sinabi ni Caloocan City Police chief, Senior. Supt. Bartolome Bustamante na agad namang nadakip ang suspek na si Jonathan Damas, security guard ng 7-11 store sa may Phase 7 Brgy. 167 Bagong Silang, District 1 Caloocan.
Sa inisyal na ulat, ipaparada ng biktima ang kanyang sasakyan sa tapat ng naturang convenience store dakong alas-12 ng tanghali nang pigilan siya ni Damas.
Nagalit umano ang biktima na pinagsisigawan ang guwardiya na nagpakilalang kagawad. Sa gitna ng pagtatalo, dito na pinaputukan ng guwardiya ang una.
Sinabi ni Bustamante na plano nilang kumuha ng kopya ng footage ng closed circuit television camera (CCTV) sa pamunuan ng 7-11 upang maging basehan sa imbestigasyon.