MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P.5-M halaga ng mga kagamitan ang napinsala sa sunog na lumamon sa tatlong palapag na bahagi ng isang paaralan sa Novaliches, lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Base sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang nasunog na paaralan ay ang tatlong palapag ng St. Luke’s School na mata-tagpuan sa may Susano Road, Novaliches, Brgy. San Agustin sa lungsod.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, nagsimula ang sunog sa isang bakanteng kuwarto sa ikatlong palapag ng nasabing paaralan, ganap na alas-11:25 ng umaga
Bigla na lamang anyang umapoy ang nasabing lugar hanggang sa kumalat na ito paibaba.
Umabot lamang sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyan itong idekla-rang fire out ganap na alas-12:25 ng tanghali.
Patuloy ang pagsisiyasat ng BFP sa nasabing sunog kung saan tinitignan ang problema sa kuryente ang sanhi nito.