MANILA, Philippines - Naniniwala ang apat sa malalaki at respetadong pa-ngalan sa lungsod ng Maynila na panahon na upang sila ay magsama-sama at magkaisa para sa iisang hangarin – ang sagipin ang Maynila sa madilim na kalagayan nito at sugpuin ang kahirapan na umano’y dinanas sa nakalipas at kasalukuyang admi-nistrasyon ng lungsod at ng mamamayan nito.
Ayon kay three termer 5th District Congressman Amado S. Bagatsing, na ngayon ay opisyal na tatakbo bilang alkalde ng Maynila sa ilalim ng Kabalikat ng Bayan sa Kaunlaran (KABAKA), ang pamilya Bagatsing kasama ng Lopez, Atienza, at Ocampo ay nagkasundo upang bumuo ng isang coalition na siya umanong magiging daan upang maibalik ang dating saya at sigla ng lungsod, ganun din upang makaagapay nang mamamayan ng Maynila.
Ang “Ang Bagong Maynila coalition – KABAKA team” ay binubuo ng dating mga anak ng mga nagsilbing alkalde at kongresista ng lungsod na pinangunahan ni Cong. Bagatsing, anak ni dati at namayapang Mayor Ramon D. Bagatsing na tinaguriang; 5th District Councilor Arnold “Ali” Atienza, anak ni dating three term Manila Mayor na ngayon ay Buhay Partylist Representative Lito Atienza; Manny Lopez, anak ni dating Mayor Mel Lopez, 2nd District Congressman Carlo Lopez, anak ng namayapang solon na si Cong. Jim Lopez; at 6th District Congresswoman Sandy Ocampo naman na anak ng namayapa ring kongresista na si Rep. Pablo Ocampo.
“Bakit nga ba kinakaila-ngan naming magsama-sama at magkasundo pang muli? Kung pag-aaralan mong mabuti, there is an urge of urgency, we are here united as one in one mission, walang iba kundi maisalba at muling maibalik ang saya at ningning ng ating mahal na lungsod, most especially ang maibigay ang tamang serbisyo para sa mamamayan ng Maynila na talaga namang naghirap sa panahon ni dating Mayor Alfredo Lim at kasalukuyang Mayor Joseph Estrada,” pahayag ni Bagatsing.
Ang Bagatsing, Atienza, Lopez, at Ocampo ay kilala bilang mahihigpit na magkakatunggali sa politika may ilang dekada na ang nakalilipas, subalit ayon kay Cong. Lopez, isinantabi nila ang kanilang mga personal na kadahilanan at sumama sa coalition upang maisalba ang Maynila. “Naniniwala kami na ang personal na away at hidwaan sa mundo ng pulitika ay isinasantabi natin lalo na’t kung ang nakasalalay rito ay ang kapakanan ng ating mga kababayan. Manila is really in bad shape, kinakailangan natin ng isang Amado Bagatsing na handang maging tunay na ama ng Manilenyo at kayang pamahalaanan ang lungsod kasama ang buong team ng Ang Bagong Maynila coalition-Team KABAKA,” paliwanag ni Lopez.