MANILA, Philippines – Pinagmumulta ng isang milyong piso at kinansela na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng Everlasting Transport company dahil sa paglabag sa Joint Administrative Order-1 ng DOTC dahil sa operasyong out of line ng naturang bus company.
Ito ang nakasaad sa nilagdaang desisyon ng LTFRB board hinggil sa naisampang reklamo sa ahensiya ng G.V Florida Transport Inc. laban sa Everlasting Transport Company na pag-aari ng isang Madelene Guillermo.
Sa reklamo ng Florida Transport, out-of-line o hindi dapat pasukin ng mga bus ng Everlasting Transport Company ang kanilang ruta dahil ang franchise 2009-0831 ng Everlasting ay may ruta lamang na Santiago-Isabela –Balintawak, QC. Sinasabing nabiyahe ang Everlasting Transport Co. sa ruta ng Florida na Cagayan Valley- Manila.
Ayon sa Florida, mula taong 2011 hanggang sa kasalukuyan, ang Everlasting ay rumuruta sa Cagayan-Sampaloc Manila-Cubao Fairview route na hindi nito ruta dahilan para sila ay malugi.
Sinasabing naiprisinta ng Florida Transport sa LTFRB ang mga ebidensiyang ticket ng Everlasting Transport Company mula sa mga pasahero nito na ginamit sa ilegal na operasyon.
Bukod sa multa at kanselasyon sa operasyon ng Everlasting Transport Company, inutos din ng LTFRB board kay Guillermo na i-turn over sa ahensiya ang lahat ng license plate ng mga bus na apektado ng direktiba ng naturang ahensiya.
Inirekomenda din ng LTFRB board sa Land Transportation Office (LTO) Metro Manila Development Authority (MMDA) at PNP Highway patrol Group na hulihin ang bus unit ng Everlasting Transport Company na apektado ng naturang order.
Hindi naman pinarusahan ng LTFRB ang Universal Guiding Star Bus Line Inc. at Guardian Angel Bus Company na naireklamo din ng Florida transport na out of line din dahil sa pagpasok sa Maynila mula Cagayan route dahil sa kawalan ng ebidensya para dito.