MANILA, Philippines – Pinagbabaril hang-gang sa mapatay ng riding-in-tandem ang isang baba-eng negosyante habang patungo ng palengke sa Brgy.Commonwealth, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ang biktima ay nakilalang si Salvadora Nachor, 62, dalaga, ng Block 2 Pilot Ave., Brgy. Commonwealth. Mabilis naman tumakas ang tandem na sakay ng isang kulay itim na motorsiklo na hindi na naplakahan.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Marlon Dela Vega, nangyari ang insidente dakong alas 5:10 ng madaling araw sa kahabaan ng Pilot Drive Ave., kanto ng Revas St., Brgy. Commonwealth habang naglalakad ang biktima sa lugar patungo ng Commonwealth Market nang biglang huminto sa tabi nito ang kulay itim na motorsiklo kung saan isa ang bumaba at saka pinagbabaril ang biktima.
Nang matiyak na patay na ang biktima ay saka mabilis na pinaharurot ng suspek ang motorsiklo para tumakas.
Nabatid na nasa negosyo ng lending ang biktima at posible umanong mani-ningil ito sa palengke nang harangin at pagbabarilin.
Samantala, patay din ang isang babae matapos na barilin ng dalawang hindi pa nakikilalang holdaper nang pumalag sa bus holdap kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Makati Medical Center (MMC) si Reena Franchesca Cruz, 23, ng 1887 C. Almeda St., Tondo, Manila. Nagtamo ito ng tama ng bala sa tiyan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Sa report nina SPO2 Jason David at PO3 Arnis Ojastro, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) kay Police Sr. Supt. Ernesto T. Barlam, hepe ng Makati City Police, ala-12:50 ng madaling araw habang binabagtas ng Delta Transport Inc. bus na may biyaheng Navotas-Ayala-Baclaran na may plakang UYD-134 ang South bound lane ng EDSA-Ayala Avenue, patungong Baclaran, ng dalawang lalaki na nagpanggap na mga pasahero ang biglang nagdeklara ng holdap.
Una nilang tinutukan ang biktima na pasahero sa naturang bus, subalit pumalag ang babae kung saan tinulak nito ang isa sa mga suspek.
Nagalit ang mga holdaper at ang isa dito ay pinutukan ang biktima at pagkatapos ay kinuha ang cellphone nito hanggang sa tuluyan nang nagsitakas.