MANILA, Philippines – Tuluy na tuloy na ang pagtakbo sa pagka-alkalde ng San Juan ni Vice Mayor Francis Zamora.
Kahapon ay naghain na si Zamora ng kanyang kandidatura sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang lungsod para harapin sa halalan si incumbent Mayor Guia Gomez, na inaasahang tatakbo naman ng reelection.
Kasabay ni Zamora sa paghahain ng COC ang kanyang running mate na si Totoy Bernardo at kanyang 12 konsehal.
Si Zamora ay tatakbo sa ilalim ng Nacionalista Party (NP). Matatandaang una nang idineklara noong nakaraang linggo ni Zamora ang pagtakbo sa pagka-alkalde upang matuldukan na ang 46-taong paghawak ng mga Estrada sa lungsod ng San Juan.
Sa Pasay City, pormal nang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) ang Liberal Party (LP) na pinangungunahan ng kasalukuyang alkalde na si Antonino “Tony” Calixto, kasama ang kanyang mga konsehal sa District I at II kahapon.
Alas-11:00 ng umaga, mula sa Pasay City Hall, magkakasabay na nagtungo sa tanggapan ni Atty. Frances Arabe, COMELEC officer ng Pasay City ang grupo ni Mayor Calixto upang maghain ng COC para sa darating na 2016 Election.