MANILA, Philippines – Paparangalan ng pamunuan ng Eastern Police District (EPD) ang dalawang pulis na walang takot na nakipagbakbakan sa dalawang kilabot na holdaper na nagresulta ng pagkamatay ng isa sa mga suspek at ikinadakip ng isa pa, sa naganap na ‘running gun battle’ sa Pasig City, kamakalawa ng umaga.
Ayon kay Sr. Supt. Elmer Jamias, EPD director, irerekomenda niya na bigyan ng spot promotion to the next higher rank sina PO2 Catherine Capinpin, nakatalaga sa Public Information Office (PIO) ng EPD at PO2 Jay Laila, nakatalaga sa PCRG Camp Crame.
Sina Capinpin at Laila ay walang takot na nakipaghabulan sa dalawang kilabot na holdaper na ikinamatay ng isa, na kinilalang si Rodel Gamaro at ikinadakip naman sa isinagawang hot pursuit at follow up operation si Jezreel Bierra.
Bago ang barilan ay hinoldap ng dalawang suspek na tandem sa isang motorsiklo, ang biktimang si Rogelio Tabios Sr., 65, ng 370 Dr. Sixto Antonio Avenue, Brgy. Caniogan, Pasig City.
Ayon sa report, ipinarada ni Tabios ang kanyang Toyota Fortuner sa gilid ng kalsada para bumili ng buko juice pero nilapitan siya ng dalawang suspek, tinutukan ng baril at sapilitang kinuha ang kanyang gintong bracelet, na nagkakahalaga ng P50,000 saka tumakas.
Agad naman nakahingi ng tulong si Tabios kina PO2’s Capinpin at Laila na sakay din ng motorsiklo na napadaan sa lugar at hinabol ang dalawang suspek pero sa halip na huminto ay agad silang pinaputukan na maswerte namang hindi tinamaan.
Gumanti ng putok ang dalawang pulis na nagresulta para tamaan ang rider at mahulog habang ang isa pa ay mabilis na tumakas pero nadakip din matapos ang hot pursuit operation sa Barangay Palatiw, Pasig City.
Narekober din nina Capinpin at Laila ang bracelet ng biktima at isang kalibre .38 baril mula sa suspek na kanilang napatay.