MANILA, Philippines - Matapos na imbitahan at bigyan ng pagkakataon na iprisinta ang kanyang magiging plano at vision sa lungsod ng Maynila sakaling manalo bilang alkalde sa 2016 local election, umani ng papuri sa may halos 100 opisyal ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce, and Industry, Inc., (FCCCII) itong si 3rd termer Manila 5th District Congressman Amado Bagatsing.
Sa isinagawang regular board meeting ng nasabing hanay ng mga malalaking negos-yante sa bansa na pinangunahan ni Filipino-Chinese Chambers of Commerce, and Industry, Inc, President Angel Ngu, naging positibo ang reaksyon at pagtanggap ng mga ito matapos na ihain ng kongresista ang kanyang mga plano para sa lungsod sa ilalim ng kanyang battle cry na “Ang Bagong Maynila.”
Ilan sa kanyang mga siniguro sakaling manalo ay ang pagkakaroon ng maayos at organisadong gobyerno sa lungsod, ang pagtutok sa problema kaugnay sa kaliwa’t kanang korapsyon, at traffic, gayundin ang pagpapatuloy at higit pang pagpapalawak nang pagbibigay ng basic services para sa mga Manilenyo na kanya nang ipinapatupad sa pamamagitan ng Kabalikat ng Bayan sa Kaunlaran (KABAKA) tulad ng libreng konsultasyon, gamot, laboratory at diagnostic na nakapailalim sa KABAKA Clinic, habang free education, scholarship at sports program para sa kabataan, at manpower training program, kabuhayan naman para sa walang trabaho.
Subalit higit na ikinatuwa ng mga negosyante sa nais ni Bagatsing na muling ibalik sa pagiging “business friendly” ang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maayos na pamamahala, pagtiyak sa kaligtasan ng mga negosyante at mamamayan ng lungsod, gayundin ang paghanap ng solusyon sa pagtaas ng 300% na business tax at real property tax sa Maynila na ngayon ay iniinda umano maging ng mga maliliit na negosyante.
Sa isang panayam, sinabi ni Alfonso Sy, past president ng nabanggit na federation na mahalaga umanong kapwa binigyan pansin at halaga ni Bagatsing ang mga namumuhunan na siyang isa sa pinagmumulan ng malaking contribution ng tax sa lungsod gayundin ang mamamayan ng Maynila partikular na ang mga mahihirap.