MANILA, Philippines – Sugatan ang sampung katao kabilang ang isang opisyal ng Philippine Coast Guard matapos magbanggaan ang isang kolorum na van at armored van, kahapon ng umaga sa Parañaque City.
Nasa custody naman ng Parañaque City Traffic Bureau ang driver ng Nissan Urban na si Rosauro Rizal, 57, ng Block-1, Lot 27, California West Hill, Imus, Cavite.
Sa inisyal na report ng pulis-ya, naganap ang insidente alas-8:00 ng umaga sa kahabaan ng Macapagal Avenue, panulukan ng Bradco, Aseana Entertainment City, Brgy. Baclaran nang nasabing lungsod.
Ayon sa ilang saksi, naka- green ang traffic light sa direksiyon ng armored van na minamaneho ni Giron Penalber, 30, binata, ng Almazor St., Brgy. 185, Maricaban Pasay City.
Kung kaya’t nagtuloy-tuloy ito patungong intersection, subalit biglang kumaliwa ang Nissan Urban van dahilan para masalpok ito hanggang sa ilang beses nagpa-ikot-ikot.
Dahil dito ay nabasag ang mga salamin ng naturang van at tumilapon palabas ang mga pasahero nito.
Kaagad namang nakapag-responde ang mga tauhan ng rescue team ng Parañaque City at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hanggang sa isinugod ang mga biktima sa naturang ospital.
Nabatid na ang naturang Nissan Urban ay kolorum kung saan sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple injuries ang driver nitong si Penalber.