MANILA, Philippines – Nagbitiw na kahapon bilang chairman ng Metropo-litan Manila Development Authority (MMDA) si Francis Tolentino. Pasado alas-4:00 kahapon ng hapon nang lagdaan ni Tolentino ang kanyang resignation letter sa harapan ng mga kawani ng ahensya at ng mga miyembro ng media, na ipapadala niya sa tanggapan ni Pangulong Noynoy Aquino.
Pinasalamatan nito si Pangulong Noynoy Aquino dahil sa pagtitiwala sa kanya upang maging bahagi ng kanyang administrasyon.
Pinasalamatan rin nito ang mga empleyado ng ahen-siya na naging katuwang niya upang magampanan ng maayos ang kanyang tungkulin.
Umapela si Tolentino sa mga kawani ng MMDA na patuloy na magkaisa at magtulungan para sa higit pang ikakabuti ng ahensiya.
Ayon pa dito, sinuman aniya ang magiging kapalit niya ay patuloy itong suportahan ng mga kawani.
Kasabay nito, muling hu-mingi ng tawad si Tolentino sa grupo ng mga kababaihan hinggil sa insidente sa Sta. Cruz, Laguna.
Sinabi nito na tinatanggap niya ang naging kama-lian hinggil sa hindi pagpigil sa naging performance ng mga dancer.
Nakapaloob sa kanyang resignation letter kay PNoy ang , “Sa loob po ng mahigit limang taon ay ibinuhos ko ang aking sariling kaalaman at kakayahan sa itinutu-ring na pinakamahirap na trabaho sa gabinete—ang MMDA. Saksi po ang lahat at batid po ninyo ang halos 24/7 na paglilingkod na ginawa ko sa MMDA. Ako po ay taos-pusong nagpapasalamat–habang buhay kong tatanawin ang ginintuang alaala na makasama kayo bilang aking Pangulo sa paglilingkod sa samba-yanan. Dumating na po ang panahon na ako ay umalis na para lumahok sa isang mas mataas na antas na paglilingkod sa bayan ngayong 2016.
Dahil po dito ako po ay nagbibitiw na bilang chairman ng MMDA. Lubos na gumagalang at nanatiling tapat na kaibigan, ang inyong lingkod.”
Humingi rin ng pang-unawa si Tolentino sa mga nasaktan, sa mga hindi niya napagbigyan, at sa kakaunti umanong paraan ay hindi niya nadulutan ng solusyon, dahil ang kanya umanong isinusulong ay ang kapakanan ng nakakarami.
Nagsimula na rin umanong mag-impake ng kanyang mga gamit sa tanggapan si Tolentino.
Sa kabila na kamakailan ay nagdeklara na ito na tatakbong senador sa darating na 2016 elections, sinabi ni Tolentino na alisin na rin umano ang kanyang pangalan sa senatorial slate ng Liberal Party.