MANILA, Philippines – Dedo ang isang lalaki makaraang pagtulungang saksakin ng mag-ama na rumesbak sa isang grupo ng mga lasenggero, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Hindi na umabot ng buhay sa Valenzuela City Medical Center ang 40-anyos na si Rodrigo Pring, residente ng Sapa, Brgy. Panghulo, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ang mga nakatakas na suspek na sina Sonny Boy Cinco, tindero at anak niyang si Chokoy JM Cinco, 23, at isang alyas Ogie, pawang mga residente rin ng naturang lugar.
Sa ulat ng pulisya, nag-iinuman ang isang grupo ng lalaki kabilang si Pring sa naturang lugar dakong alas-9:30 ng gabi nang mapadaan si Chokoy. Isa sa kainuman ni Pring ang humarang kay Chokoy at sinapak ito.
Agad namang nagsumbong sa ama si Chokoy at rumesbak sa grupo ng nag-iinuman kasama si Ogie. Tanging si Pring lamang ang inabutan ng mga suspek na tinarakan ng patalim sa dibdib saka tumakas.