MANILA, Philippines - Dalawang dating miyembro ng Manila Police District (MPD) ang inaresto ng mga tauhan ng Del Pan Police Community Precinct (PCP) sa reklamong pambubulabog sa isang lugar na sinasabing naninita ng mga lalaking bagong baba ng barko mula sa Visayas at nagpapakilalang aktibo pang parak na nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kahapon ng mdaling araw. Batay sa report mula sa tanggapan ni MPD-station commander, P/Supt. Nicolas Pinon, ang mga dinakip ay sina Edgar Abenoja, 39 ng Lallana St., Tondo at Gilbeys Navoa, 39, ng Capulong St. Tondo makaraang isuplong na may dalang mga baril at nagpapakilalang mga pulis sa hurisdiksiyon ng Delpan PCP dakong alas-2:00 ng madaling araw.
Nabatid na habang nagsasagawa ng check point ang mga tauhan ng station 2 ay isinumbong sa kanila ang dalawang suspek kaya ito nirespondehan. Namataan ang dalawa na nasa R-10 malapit sa panulukan ng Zaragosa at may sinisitang kalalakihan kaya sila nilapitan. Dahil nahalata ang nakabukol na mga baril ay kinapkapan at dinis-armahan ang dalawa. Sinampahan sila sa Manila Prosecutor’s Office ng reklamong Usurpation of Authority. Nabatid na hindi pa nakababalik sa serbisyo ang dalawa subalit may mga impormasyong nagtutungo umano sa mga lugar na inaakalang may mga pasugalan tulad ng video karera at nanghuhuli. Sinasabi umano ng dalawa na sila ay naka-assign sa Bicutan NCRPO.