MANILA, Philippines - Naalarma kahapon ang PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) dahilan sa tumataas na mga insidente ng ‘hoax’ o mga pekeng kidnapping sa bansa.
Ayon kay PNP-AKG Director Senior Supt. Roberto Fajardo, nasa 19 kaso ng ‘kidnap me’ ang naitala ng kanilang tanggapan mula Enero hanggang sa kasalukuyan kumpara sa naitalang 10 kaso lamang sa kaparehong panahon noong 2014.
Kabilang dito ang kaso ng isang Briton na si Raymond Warwick na pinalutang na kinidnap siya sa Maynila na humingi ng malaking halaga ng ransom sa kaniyang pamilya sa London nitong nakalipas na Setyembre ng taong ito.
Sinabi ni Fajardo na malaking halaga ang hiningi ni Warwick sa kaniyang pamilya, pero tumanggi ang opisyal na tukuyin ito.
Sa kabuuan nasa 25 kaso ng kidnapping for ransom ang nairekord ng PNP-AKG kung saan 10 dito ang naresolba na ng kanilang tanggapan.
Kaugnay nito, nagpasaklolo naman si Fajardo sa Department of Justice (DOJ) para bumalangkas ng batas na nagbibigay ng kaparusahan sa mga taong nagpapanggap na kinidnap kung saan sarili pang pamilya ang binibiktima o nililinlang.
Lumilitaw rin na ilan sa mga nagre-report ng pekeng kidnapping ay talunan sa casino, pumalya sa negosyo at iba pa ang dahilan.
Inamin ng opisyal na apektado ang kanilang pondo at bukod dito ay nasasayang ang panahon ng PNP-AKG operatives na may dedikasyon sa trabaho na sana’y inilalaan na lamang sa mga totoong kaso ng kidnapping for ransom.
Sinabi ni Fajardo na hiniling nila ang tulong ni Justice Secretary Leila de Lima para bumalangkas ng batas na kahalintulad ang parusa sa mga taong convicted sa kaso ng kidnapping para matuldukan na ang nasabing kalokohan ng mga indibidwal na walang magawang matino sa buhay.