MANILA, Philippines – Isang doktor ang pinatay sa saksak ng kanyang sariling kapatid dahil lamang sa hiniram na sasakyan ng misis ng huli na pag-aari ng una na naganap sa isang exclusive subdivision sa Muntinlupa City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa South Super Highway Medical Center sa Parañaque City ang biktimang si Dr. Joser Rabe, ng Anonas St., Ayala Alabang Village, Brgy. Ayala Alabang, Muntinlupa City sanhi ng tinamong maraming saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Nakakulong naman ngayon sa Muntinlupa City Police detention cell ang suspek na si Jose Rabe Jr., under board naman sa medicine course at nakatira rin sa naturang lugar.
Sa panayam kahapon kay Senior Supt. Allan Nobleza, hepe ng Muntinlupa City Police, naganap ang insidente dakong alas-6:00 ng gabi sa loob ng bahay ng pamilya Rabe sa nabanggit na lugar.
Bago ang insidente, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid na Joser at Jose, dahil hiniram umano ng misis ng suspek ang pag-aaring sasakyan ng biktima.
Sa kainitan nang pagtatalo ay dito kumuha ng patalim si Jose hanggang sa inundayan nito ng sunud-sunod na saksak ang biktima.
Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang biktima dahil sa tinamong mga saksak.
Sa isang follow-up operation naman ng mga pulis ay nadakip ang suspek na si Jose.
Nabatid na may matagal at malalim nang alitan ang magkapatid na Rabe na nakatira lamang sa iisang bahay.
Ayon kay Nobleza, patuloy nilang iniimbestigahan ang naturang insidente at inihahanda na rin nila ang kasong isasampa laban sa naturang suspek.