MANILA, Philippines – Pormal nang nagbitiw bilang traffic czar ng Maynila si Manila Vice Mayor Isko Moreno.
Sa isang press conference, sinabi ni Moreno na ang kanyang pagbibitiw ay pagbibigay daan sakaling magdesisyon siyang tumakbo sa mas mataas na puwesto.
Kasabay nito, sinabi ni Manila Mayor Joseph Estrada na concurrent siya sa puwesto habang wala pa siyang nahahanap na kapalit ni Moreno.
Sinabi ni Moreno na personal niyang kinausap si Estrada kung saan binibigyan din niya ito ng laya na pumili ng kanyang kapalit.
Ayon kay Moreno, hindi naman lingid sa publiko na may plano siya tumakbo sa mas mataas na puwesto kung kaya’t nagbitiw siya upang maiwasan ang impresyon ng pamumulitika.
Umaasa lamang siya na pananatilihin at pagbubutihin ng papalit sa kanya ang sistema sa pagmamando ng daloy ng trapiko sa lungsod.
Aniya, hindi biro ang trabaho ng mga traffic enforcers kaya’t kailangan ang sinsero at matiyagang magbabantay sa mga pasaway na drivers at pasaway na motorista.
Ipinagmalaki ni Moreno na epektibo naman ang kanilang polisiya subalit marami lamang na mga motorista ang ayaw sumunod sa batas.