MANILA, Philippines - Nag-umpisa nang mamuo ang sigalot sa pagitan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at PNP-Highway Patrol Group makaraang ireklamo ang dalawang pulis sa panggugulpi umano sa isang traffic constable sa EDSA.
Sa sinumpaang-salaysay ni Traffic Auxiliary Leon Trinidad, kinilala nito ang isang Senior Insp. Maranion at hindi nakilalang tauhan na mga nanggulpi umano sa kanya nitong nakaraang Setyembre 22 dakong alas- 7 ng gabi sa may U-turn slot ng Quezon Avenue.
Sinabi ni Trinidad na nakapwesto siya sa may Quezon Avenue U-turn slot nang sunduin ng isang pulis-HPG upang maghatid ng mga driver’s license kay Traffic Constable Baldomero Capulo, Jr. para maisyuhan ng tiket sa may Quezon Avenue split. Muli naman umano siyang bumalik sa may U-turn slot.
Dakong alas- 8:30 ng gabi nang puntahan siya ng isang Mark Nicolas at hinahanap sa kanya ang kanyang lisensya. Itinanggi naman ni Trinidad na hawak niya ang lisensya.
Dumating naman umano sina Maranion at dalawang kasamahan nitong pulis at pinipilit na kunin sa kanya ang lisensya ni Nicolas. Bigla umano siyang hinampas ng helmet sa dibdib ng isang pulis habang sinipa siya sa binti ni Maranion at hinampas ng radyo.
Sinabi ni MMDA Asst. General Manager for Operations Emerson Carlos na pinakilos na nila ang kanilang Legal Department para magsampa ng kaukulang kaso.