MANILA, Philippines – Hinikayat kahapon ng mga taong simbahan at mga vendor associations sa Baclaran si Parañaque Mayor Edwin Olivarez na bumuo ng isang fact-finding committee para imbestigahan ang mga kawaning sangkot umano sa mga tong collection sa lugar.
Ito ay matapos umapela kay Olivarez ang walong presidente ng bawat vendor association na agad sibakin sa pwesto ang mga opisyales ng city hall na miyembro ng “Baclaran 7 gang”, na pinamumunuan nina alyas Adam at Eve.
Nabatid sa mga vendors, tinatakot ng “Baclaran 7” ang kanilang mga miyembro na umaabot sa halos 1,500, kapag hindi sila makapagbigay ng P300 kada-araw sa sindikato na nagsimula noong Disyembre nang isang taon.
Nauna rito inatasan ni Olivarez ang pulisya na linisin ang Baclaran hindi lamang sa operasyon ng mga sindikato na regular na nangongolekta ng tong mula sa mga illegal vendors kundi maging sa lahat ng uri ng krimen o mga kawatan na nag-ooperate rito.
Naalarma si Olivarez sa mga pahayag ng mga vendors na nagbabayad daw sila kada araw sa mga lider ng “Baclaran 7”, kapalit ng pagtitinda sa lugar. Kontrolado umano ng grupo ang lugar at nagreremit sa ilang personalidad sa Parañaque city hall kada linggo.
Ibinunyag din ng mga stall owners na regular silang nagre-remit ng halagang P300 araw-araw sa isang alyas Jojo.
Para sa kanyang agarang aksyon, nagtalaga din si Olivarez ng spokesperson, si Mario Jimenez, hepe ng special services office, para agarang masagot ang mga paratang ng mga Baclaran vendors at iba pang isyu sa lungsod.