MANILA, Philippines - Palaisipan sa Quezon City Police District kung ang pagkadismaya sa unang date nina Alden Richards at Maine ‘Yaya Dub’ Mendoza ang ugat sa pagbibigti ng isang 8-anyos na paslit sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Ayon sa nakalap na ulat buhat sa ilang ka-lugar ng biktimang itinago sa alyas na Paul, ng naturang barangay madalas manood ng ‘Aldub kalyeserye’ ang naturang bata.
Anya, mula ng mainis ang bata sa konting minuto lamang na date ng ‘Aldub’ noong nagdaang Sabado, nagmukmok na ito hanggang sa alas-12:00 ng tanghali kamakalawa. Doon din nadiskubreng magpapatiwakal ang biktima sa loob ng kanilang kuwarto sa Area B. Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng pulisya, nagulat umano ang ama ng biktima nang makita ang nangingisay na anak na nakabitin sa beam ng kanilang bahay gamit ang linen cloth na nakapulupot sa leeg nito.
Kaagad na ibinaba ng ama ang biktima at isinugod sa FEU Medical Center kung saan naagapan at ngayon ay nasa maayos ng kondisyon.
Gayunman, patuloy na binubusisi ni PO3 Jovelyn Agustin ng QCPD station 6 Women’s Desk, may hawak ng kaso ang tunay na ugat sa tangkang pagpakamatay ng paslit.