MANILA, Philippines – Muntik nang hindi umabot ng buhay ang isang pasyente na nag-aagaw buhay makaraang tanggihan ng apat na pampublikong ospital nang isinugod ng ambulansiya ng Philippine National Red Cross.
Ayon sa Philippine Red Cross-Manila Chapter, tumawag sa kanila si Carmencita Celis, pamangkin ng pasyenteng si Benjamin “Menchie” Celis, 55 ng no. 1567 3rd St. Sabia Subd. Paco Manila at nag-request ng ambulansiya para maisugod sa ospital ang huli na nahihirapan na sa paghinga, dakong alas 10 ng gabi nung Miyerkules (Sept. 17).
Agad na umaksiyon ang PRC-Manila Chapter sa pangunguna ni Angelo Tan ng ambulance service ng Red Cross for indigent patients.
Ayon kay Carmencita, unang dinala ang pasyente sa Sta. Ana Hospital subalit tinanggihan ito dahil sa puno na ang kanilang emergency room at dahil sa kinakailangan ng mabigyan ng first aid si Benjamin ay itinakbo naman ito sa Ospital ng Maynila pero pagdating nila sa ospital ay “under renovation” ito.
Muli ay itinakbo ang pasyente sa Philippine General Hospital ngunit hindi ito tinanggap ng naka-duty na resident doctor na si Dr. Marj Laurico dahil sa walang advance call ang Red Cross kaya’t humingi na lamang ang nasabing rescue team ng doctor na magre-refer sa pasyente. Ngunit tinanggihan pa rin sila ng PGH staff.
Dahil dito, napilitan na lamang ang rescue team na dalhin naman sa East Avenue Medical Center si Benjamin pero bigo pa ring mai-admit ang pasyente at sa halip ay ini-refer sila sa National Kidney and Transplant Institute dahilan sa ang kondisyon ng pasyente ay dapat idiretso sa Intensive Care Unit. Tinaggap ang pasyente sa NKTI dahil na rin sa delikadong kondisyon at sa rekomendasyon ni Dr. Christian Tan.
Ayon kay Carmencita, taliwas ito sa deklarasyon ng pamahalaan na maaaring tanggapin anumang oras ang sinumang pasyente ng nangangailangan ng first aid. Aniya, dapat na umaksiyon ang gobyerno laban sa pinaiiral ng kawalang puso ng apat na government hospital.