MANILA, Philippines – Patay ang isang biyuda matapos na tumungga ng umano’y lason kamakalawa ng gabi sa Navotas City.
Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center si Leny Laderas, 37, may-ari ng isang sari-sari store, at residente ng No. 417 Brgy. North Bay Boulevard North, ng naturang lungsod.
Sa ulat, dakong alas-9 ng gabi nang makarinig ng kakaibang ungol ang mga kaanak ng biktima buhat sa bahay nito kaya dali-daling pinasok ang bahay.
Nakita ng mga kaanak ang nakabagsak na biktima na bumubula pa ang bibig. Sa tabi nito, natagpuan ang isang maliit na botelya na hinihinalang may lamang lason.
Agad na isinugod ng mga kaanak si Laderas sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay. Dinala na ang bangkay nito sa St. Valentines Funeral Homes para sa awtopsiya.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matiyak na walang foul play sa insidente at mabatid ang dahilan ng posibleng pagpapatiwakal.