MANILA, Philippines – Utas ang isang 35-anyos na rider matapos na sumalpok sa isang pampasaherong jeep sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si Renato Gabriel, ng Brgy. 171, Bagumbong ng nasabing lungsod sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Ayon kay Caloocan City police traffic investigator PO3 Michael Calora, naganap ang insidente alas-6:15 ng gabi.
Nabatid, na minamaneho ng biktima ang kanyang Yamaha motorcycle (1445-CM) habang binabagtas ang kahabaan ng Congressional Road nang makabanggaan nito ang isang pampasaherong jeep (NYY-433) na minamaneho naman ni Ronel Omali, 23, ng nasabing lungsod.
Ayon sa testigo, nakita niyang nag-overtake ang biktima sa isa pang sasakyan na naging dahilan upang makabanggaan nito ang kasalubong na jeepney.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima sa kanyang motorsiklo, dahilan upang magtamo ito ng matinding pinsala.Agad naman itong isinugod sa ospital, subalit hindi na umabot pang buhay.
Sumuko naman sa mga pulis ang driver ng pampasaherong jeep na ipaghaharap ng kaukulang kaso.