MANILA, Philippines - Ito ang umano’y dobleng kamalasang inabot ng da-lawang lalaki matapos na sumalpok ang kanilang sinasakyang kotse sa isang concrete barrier sa kahabaan ng Quezon Avenue, lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay P/Insp. Erlito Renegin, hepe ng Quezon City Police Traffic Sector 1, ang mga biktima ay nakilalang sina John Rey Delos Reyes, 35, driver at Kenneth Cantongos, 20, pasahero; kapwa residente sa Brgy. Teresa sa lungsod.
Sabi ni Renegin, base sa pahayag ng ilang mga saksi, walang saplot pang-ibaba nang maabutan ng mga rescue team ang dalawa kung saan nawawala na umano ang cellphone at wallet ng driver na si Delos Reyes, habang cellphone naman ang kay Cantongos.
Hinala ni Renegin na kinuha ng mga istambay sa lugar ang naturang mga gamit na nagkunwaring tutulungan sila matapos mabangga.
Gayunman, dagdag ni Renegin, bineberipika pa nila ang nasabing impormasyon sa mga mismong taong naroon sa lugar nang maganap ang insidente.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng D. Tuazon St., kanto ng Quezon Avenue, Barangay Lourdes, ganap na ala-1 ng madaling araw.
Diumano, sakay ang mga biktima ng Isuzu Swift (ZNT-526) at tinatahak ang nasabing lugar, galing ng Del Monte Avenue patungo sa direksyon ng Quezon Avenue, pagsapit sa D. Tuazon ay biglang sumalpok ito sa conrete barrier.
Sa lakas ng impact, nawasak ang windshield ng sasakyan sanhi upang magtamo ng mga sugat sa mukha at galos sa kanilang mga katawan ang mga biktima.
Agad namang dumating ang rescue team ng UNTV kung saan naabutan nilang sinusuotan ng pants ang mga biktima, saka isinugod sa magkahiwalay na ospital, para magamot.
Dagdag ni Renegin, si Cantongos ay itinakbo sa Uni-ted Doctors Medical Center habang si Delos Reyes naman ay inaalam pa nila kung saan ospital itinakbo, sa pagpapatuloy ng pagsisiyasat na kanilang ginagawa.