Pagbabalik ng truck ban sa Maynila, aprub kay Isko

Mababawasan ang mga naglalakihang truck na bumibi­yahe sa Metro Manila sa pagsisimula ngayong araw na ito ng ipapatupad na truck ban para maibsan ang trapik at para sa pagha­handa sa isasagawang APEC summit. Edd Gumban

MANILA, Philippines – Tahasang sinabi kahapon ni Manila Vice Mayor Isko Mo­reno na suportado niya ang muling pagpapatupad ng Metro­ truck ban na makatutulong ng malaki upang lumuwag ang daloy ng trapiko na nararanasan ngayon ng publiko. Ayon kay Moreno, na National President ng Vice Ma­yors League of the Philippines (VMLP), bagama’t hindi ito ang  pinakasolusyon, makaba­bawas naman ito  sa dami ng mga sasakyan sa lansangan na kadalasang nagiging sanhi ng mga aksidente.

Sinabi ni Moreno na mistulang bangungot na sa mga motorista ang pagdaan mula Delpan Bridge hanggang  Road 10.   “Araw-araw na halos kaming­ minumura ng mga tao dahil sa tinding trapik mula sa umaga hanggang hatinggabi,” ani Moreno­. Nilinaw ni Moreno na wala na sa hurisdiksyon ng lungsod ng Maynila at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang pagmamandalo sa trapiko sa lugar  matapos na hawak ito ng  ‘Task Force Pantalan’.

Matatandaang binatikos ang Maynila sa pagpapatupad ng  truck ban kung saan sinasabing ito ang dahilan ng  port congestion. Subalit ayon kay Moreno­, ang kakulangan sa pagpaplano at pagsasaayos ng mga kalsada ang dahilan ng port conges­tion­ dahil ang truck ban ay tulad lamang sa ipina­tutupad ng MMDA. Bagama’t nakatutulong ang  pagtatalaga ng Highway Patrol Group  sa EDSA hindi naman umano ito pangmatagalang  solusyon upang mawala ang trapik. Dagdag pa ng bise alkalde, padami nang padami ang mga sasakyan kaya’t nararapat lamang na dagdagan ang mga kalsada, skyways, at ayu­sin ang public transport system.

Show comments