MANILA, Philippines – Dalawang bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang biktima ng salvage ang natagpuang nakasilid sa garbage bag, kahapon ng umaga sa Makati City.
Tadtad ng saksak sa katawan at may palatandaan na sinakal pa ang mga ito.
Kinilala ang mga biktimang sina Genesis Gonzaga, 22, binata, ng Brgy. Pio del Pilar ng naturang lungsod at Ricardo Cortez, kapwa miyembro ng ‘Sigue-Sigue Sputnik Gang’.
Ayon sa pagsisiyasat ni SPO2 Jason David, ng Homicide Section, Makati City Police, alas-5:30 kahapon ng umaga habang naglalakad si Vincent Daria, 35 sa may bangketa ng panulukan ng M. Reyes at Calhoun Sts., Brgy. Pio del Pilar nang mapansin ang kahina-hinalang kulay itim na garbage plastic bag dahilan upang usyusuhin niya ito kung saan nang buksan ay tumambad sa kanya ang dalawang bangkay ng lalaki.
Ayon naman sa bara-ngay, kilala umanong holdaper at snatcher ang mga biktima sa naturang lugar, kung kaya’t may hinala ang pulisya na ang mga ito ay biktima ng salvage.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.