‘Unti-unti lang’ -- HPG chief
MANILA, Philippines - Naisaayos at bahagyang lumuwag ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA matapos ang umpisa ng deployment kahapon ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) traffic enforcers.
Ito ang assessment na inihayag kahapon ni PNP-HPG Director P/Chief Supt. Arnold Gunnacao na sinabing basta’t tulung-tulong ay maaayos ang matinding daloy ng trapiko na siya nilang misyon sa EDSA.
“Naging smooth so far, naayos natin at tuloy-tuloy pa ang ating assessment sa mga adjustments na isasagawa ng PNP-HPG traffic enforcers”, pahayag ni Gunnacao.
“Araw-araw sana magkaroon ng developments. Sa loob ng isang linggo, makikita natin ang solusyon na magagawa natin, unti-unti, pag-aaralan ko ‘yung mga dapat isara at dapat buksan na kalsada,” dagdag pa nito.
Kahapon, pinangunahan ni Gunnacao, ang clearing operations ng mga behikulong naka-illegal parking sa Balintawak area, isa sa anim na mga chokepoints na matindi ang trapiko gayundin ang pagpapaalis sa mga vendors na nakakasagabal sa biyahe ng mga sasakyan.
Humihingi pa nang kaunting panahon ang HPG para mapag-aralan at tuluyan nilang maisaayos ang trapiko dito.
Sa panig naman ni PNP Chief Gen. Marquez, sinabi nito na huwag asahan ang agarang ‘magic’ sa EDSA dahilan hindi porke’t nakadeploy na dito ang PNP-HPG operatives ay mawawala na ang malalang daloy ng trapiko manapa’y maiibsan lamang.
May ilang nainis, may ilang natuwa sa pagkaka-deploy sa HPG.
Nainis dahil, ayon sa ilang pasahero, hindi rin naman anya nagbago ang takbo ng sasakyan mula Kamuning, patungong Cubao at Santolan.
Ayon sa ilang mga pasahero, pareho din ng dati ang sitwasyon sa naturang lugar, kahit wala ang HPG at ipinapatupad ng yellow lane sa mga bus, dahil talaga namang bumper to bumper ang sitwasyon sa nasabing mga lugar kapag rush hour.
Sa pagsisimula nga ng HPG sa paghawak sa malalang problema sa trapiko sa kahabaan ng Edsa, marami ang natuwa, pero meron din ang nainis.
Nainis dahil, ayon sa ilang pasahero, hindi rin naman anya nagbago ang takbo ng sasakyan mula Kamuning, patungong Cubao at Santolan. Sabi ng mga pasahero, pareho din ng dati ang sitwasyon sa naturang lugar, kahit wala ang HPG at ipinapatupad ng yellow lane sa mga bus, dahil talaga namang bumper to bumper ang sitwasyon sa nasabing mga lugar kapag rush hour.
Gayunman, kung ang biyahe sa Cubao ay marami ang nagalit, marami namang natuwa sa maluwag na daloy ng trapiko sa may Edsa Balintawak.
Kung dati ay nagkukumpulan ang mga sasakyan galing sa monumento, partikular sa southbound lane pagsapit sa Balintawak, ngayon ay halos apat na linya nito ang nadaanan. Kaya naman tuluy-tuloy ang takbo ng mga sasakyang patungo sa Edsa Quezon Avenue.
Lumuwag ang kalye sa Balintawak, matapos na pagtatanggalin ng HPG ang mga nakahilerang mga vendors at illegal na mga nakaparadang mga sasakyan sa harap ng palengke.
Ilang minuto lamang pinagtatagal ng HPG ang mga sasakyang nahahatid ng kanilang produkto sa palengke kung kaya walang nakaparada dito.
Gayunman, ilang mga mamimili at mga kargador naman ang umaangal dahil malayo ang kanilang nilalakad para bitbitin ang mabibigat nilang pinamili bago makasakay.
Pero, sabi ng mga mamimili, titiisin na lang nila ang ganitong sitwasyon, basta magtuluy-tuloy ang ipinapatupad ng HPG sa mahigpit na pagmamando sa Edsa, at hindi “ningas cogon” lamang.