MANILA, Philippines – Sa kabila ng babala ng kapulisan sa publiko na mag-ingat sa mga street crimes, isang pampasaherong bus ang hinoldap ng apat na armadong lalaki at nilimas ang mga pera at gamit ng may 10 pasahero nito sa may Kamuning Flyover, sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa Quezon City Police District Station-10, hinoldap ang pampasaherong bus na Diamond Star bus (UYB-104) na pinapasada ng isang Noli Villa sa may kahabaan ng northbound lane ng Edsa, Kamuning Flyover, sa lungsod, ganap na ala-1 ng madaling araw.
Bago ito, sabi ni Villa, alas 12:30 ng hatinggabi nang sumakay ang mga suspect sa bahagi ng Guadalupe, Makati City na pawang naka bullcap, t shirt at backpack ang mga suspek na hiwa-hiwalay ng upuan.
Pagsapit ng bus sa Kamuning flyover, isa sa mga suspect ang bigla na lamang umanong tinutukan ng kalibre 38 baril si Villa, sabay deklara ng holdap.
Kasunod nito, ay isa-isa nang nilimas ng mga suspect ang gamit at pera ng mga pasahero, bago tuluyang tumakas pagsapit sa NIA Road.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.