MANILA, Philippines – Dalawang bangkay ng lalaki na may mga tama ng bala sa katawan ang natagpuan sa isang eskinita sa lungsod Quezon kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, isinalarawan lamang ang mga bangkay na nasa pagitan ng edad na 25-30, may taas na 5’4, payat ang pangangatawan, habang ang isa ay nakasuot ng itim na t-shirt at maong pants, nakasuot naman ng kulay purple na t-shirt at maong na pants ang isa pa.
Ayon kay PO2 Alvin Quisumbing, may-hawak ng kaso, ang mga biktima ay nadiskubre ng isang Juraid Sahibun sa may loob ng Salaam Mosque compound, sa Brgy. Culiat, ganap na ala 1:20 ng madaling araw.
Sinasabing naglalakad si Sahibun, vice-president ng Islamic Directorate of the Philippines, nang madiskubre niya ang dalawang bangkay ng biktima habang naliligo sa sarili nilang mga dugo.
Agad na ipinagbigay alam ni Sahibun ang insidente sa otoridad para maimbestigahan.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) narekober sa tabi ng mga biktima ang anim na basyo ng hindi mabatid na kalibre ng baril habang nagtamo naman ng multiple gushots wounds ang mga ito.
Inaalam ngayon ng pulisya kung sino ang suspek at motibo sa krimen.