Shootout: 2 carjacker, utas

Ang dalawang hindi nakikilalang mga carjackers na napatay matapos makipagpalitan ng putok ng baril sa mga awtoridad kahapon ng madaling-araw. Bernardo Batuigas

MANILA, Philippines – Dalawang carjacker ang nasawi nang lumaban at makipagbarilan sa mga tauhan ng Quezon City police,  kahapon ng  madaling-araw.

Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa mga nasawi na ang isa rito ay inilarawan ni P/Supt. Rodel Marcelo na nasa 25-30-anyos habang ang isa naman ay nasa-50  taong gulang, 5’5” ang kanilang taas, kapwa nakasuot ng itim na jacket, parehong naka-short pants, naka rubber shoes  at katamtaman ang kanilang pangangatawan.

Base  sa report, bandang ala-1:30 ng madaling-araw binabaybay ni Beverly Rizalon lulan ng kanyang motorsiklo na Yamaha Novo 1994 TH ang kahabaan ng 20th Ave., Aurora Blvd. sa naturang lunsod nang harangin ng dalawang suspect at tu­tu­kan ng baril.

Pilit na kinukuha ng mga ito ang dala niyang motorsiklo. Sa takot na baka siya patayin ay iniwan na niya ito na tinangay ng mga suspect.

Agad namang nakahingi ng tulong si Rizalon sa rumorondang mga pulis ng CIDU at hinabol ang mga ito at pagdating sa  NIA Road, Brgy. Piñahan pinaulanan ng bala ng mga suspect ang mga humahabol na pulis.

Sa puntong ito, gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng dalawang carjacker.

Narekober ng mga pulis ang dalawang handgun na ginamit na mga suspect habang nabawi ang motorsiklo ng biktima.

Show comments