3 anak pinatay ni itay

Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Patay ang tatlong paslit matapos na pagsasaksakin ng kanilang sariling ama na umano’y naburyong matapos na iwan ng kanilang ina sa Sampaloc, Maynila.

Dead on the spot sina Jonel Reformado, 14; Janel­ Reformado, 5 habang idinek­lara namang dead on arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Junli, 9, resi­dente ng Dapitan St. Sampaloc, Maynila.

Binabantayan naman nga­yon ng pulisya sa Philippine General Hospital ang suspek at ama ng mga biktima na si Rolando Reformado, 36, na nagsaksak sa sarili matapos na pagpapatayin ang kanyang tatlong anak.

Sa report  na isinumite ni SPO2 Charles John Duran  kay P/Insp. Paul Dennis Javier, ang hepe ng MPD-Homicide Section, alas-12 ng madaling araw nang  matagpuan ang mga katawan nina Jonel at Janel sa loob ng kanilang kuwarto na tadtad ng saksak at wala ng buhay.

Sa dingding naman sa  loob ng nasabing kuwarto ay nakasulat ang mga katagang “Sorry sa lahat ma mahal na mahal kita sana mapatawad mo ako” na ang ginamit ay mismong dugo ng kanyang mga anak.

Narekober sa crime scene ang isang kutsilyo na may habang 11 inches at ang cellphone ng suspek.

Sa pinagsamang imbes­tigasyon ni SPO2 Duran at SPO3 Noel Jesus Carlos, lasing na lasing ang suspek na sinasabing nawala na sa wisyo nang iwanan ng misis na si Angelie Reformado, 36.

Lumilitaw na iniwan ni Angelie si Rolando dahil na rin sa umano’y madalas na pananakit, pambubugbog at pagbabanta na papatayin  ang  una.

Bago ang insidente, nagtext umano ang suspek sa kanyang hipag na si Marjorie (kapatid ni Angelie) hinggil sa banta ni Rolando. Nakasaad dito ang “Pakisabi sa kanya (Angelie) na di ko siya pata­tahimikin kahit sa panaginip niya ako. Neng paalis na kami sana mabigyan niya ng magandang libing ang mga bata d bale na ako na tapon na lang sa ilog Pasig Neng magaalas dose na gaya ng sinabi huli na ang lahat paalam salamat”

Dito na napasugod si Marjorie sa bahay ng kanyang bayaw sa Sampaloc upang alamin ang kalagayan ng mag-aama. Ngunit huli nang makita niya ang kalunus-lunos na sinapit  ng kanyang tatlong pamangkin. Sa tulong ng mga kapitbahay ay nakahingi ng responde sa Philippine Red Cross si Marjorie  at naisugod si Junli sa ospital ngunit pagdating doon ay wala ng buhay dahil sa apat na saksak, tatlo rito ay sa kanang bahagi ng katawan habang ang isa ay sa kanang braso.

Ayon naman kay Angelie, ala-1:22 ng hapon noong August 31, tinext siya ng kan­yang mister  ng “Kung ayaw mo talaga ako kausapin sama ko na lang sila sa pupuntahan ko”.

Gayunman sinabi ni  Angelie na hindi naman gumagamit ng droga ang kanyang asawa at naburyong lamang ito nang kanyang iwan. Nahaharap naman ang  suspek sa 3 counts ng  parricide.

Show comments