MANILA, Philippines – Nahaharap sa kasong malversation of public funds sina Makati City Rep. Abigail Binay at suspendidong Makati Mayor Junjun Binay sa office of the Ombudsman.
Ang abogadong si Renato Bondal ang naghain ng kaso laban kay Abigail dahil sa umano’y maanomalyang paggamit niya ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2011.
Dagdag niya na dawit din sa kaso si Junjun dahil ang lokal na pamahalaan ang nagpapatupad ng paglalagak ng PDAF.
Ayon kay Bondal, naglabas umano ang kongresista ng P25 milyong PDAF para sa dalawang pekeng non-government organizations (NGO).
Nalaman ding kaduda-duda ang dalawang NGO na Gabay at Pag-asa ng Masa at ang Kaakbay Buhay Foundation na pareho ang modus operandi ng sa tinaguriang utak ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.