Operator at driver ng naaksidenteng Valisno bus ‘di pa rin sumipot sa LTFRB hearing

MANILA, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon ay hindi humarap sa tanggapan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang may-ari at ang driver ng Valisno bus na naaksidente sa lungsod ng Quezon, kung saan apat na katao ang nasawi.

Sa kabila nito ay tinanggap naman ng LTFRB ang rason sa hindi pagdalo sa hearing ni Rosalinda Valisno na nakatakdang operahon.

Naghain ng medical certificate ang abogado ni Valisno na si Francisco Blanes, kung saan nakasaad na naka-confine sa Oriental Mindoro hospital ang operator.

Nitong nakaraang linggo ay hindi sumipot si Valisno dahil sa umano’y matinding depresyon.

Samantala, kinuwestyon naman ni LTFRB board member Ariel Inton ang resulta ng drug test ng 80 tsuper ng naturang bus company.

Tanging ang nakaaksidenteng driver na si George Pacis lamang ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.

"It seems that they (Valisno management) wanted to show that this (accident) is only an isolated case. They already knew that a drug test was forthcoming, kaya napaghandaan na nila," wika ni Inton.

Kasalukuyang nakakulong si Pacis na nahaharap sa patung-patong na kaso.

 

Show comments