MANILA, Philippines – Upang mapabilis ang pagsugpo sa kriminalidad, nagdeploy na ang Philippine National Police (PNP) ng karagdagang mga tauhan mula sa elite units nito sa Metro Manila sa mga matataong lugar kaugnay ng nalalapit na pagpasok ng ‘ber months’.
Ito’y dahilang karaniwan na tumataas ang kriminalidad tuwing sasapit ang ‘ber months’ na sinasamantala ng masasamang loob.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, pinalagyan ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez ng karagdagang mga pulis ang mga matataong lugar para magbantay sa mga mamamayan.
Ayon kay Mayor ang direktiba ay ipinalabas ni Marquez matapos itong magsagawa ng surprise inspection sa mga convergent points o mga lugar na karaniwan ng dinaragsa ng mga tao sa National Capital Region.
Nakapaloob dito, ang pagde-deploy ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at Special Reaction Unit (SRU) kapwa elite units ng PNP sa mga key areas sa metropolis.
Inihayag ni Mayor na ang deployment ay kailangang may presensya rin ng mga mobile patrol para mapalakas pa ang pagsugpo sa kriminalidad.
Ilan sa mga lugar na sorpresang ininspeksyon ni Marquez ay mga key areas sa Metro Manila mula sa Makati hanggang Mall of Asia sa Pasay City patungong Avenida sa lungsod ng Maynila hanggang Monumento sa Calooban bago ito bumalik sa Camp Crame na dumaan sa kahabaan ng EDSA.