MANILA, Philippines - Arestado ang may-ari ng isang bahay na ginagawang drug den kasama ang tatlo pang hinihinalang mga drug users na naaktuhang umiiskor ng iligal na droga, kamakalawa ng gabi sa Malabon City. Nakilala ang nadakip na si Arnaldo Cesar, alyas RD, 41, may-ari ng drug den sa Gil Pascual Street, Brgy. Hulong Duhat, ng naturang lungsod; Callbert De Guzman, 25; Rogelio Santos, 56 at Julius Odulio, 51. Sa ulat, dakong alas-10:30 ng gabi nang salakayin ng mga tauhan ng Station Anti Illegal Drugs-Special Action Unit ang bahay ni Cesar makaraang makatanggap ng impormasyon sa paggamit ng iligal na droga ng mga dayo kabilang ang mga menor-de-edad sa naturang drug den.
Huli sa akto ang tatlong suspek na sumisinghot ng shabu sa loob ng bahay habang nasakote rin ang may-ari na si Cesar. Tinatayang nasa 20 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng pulisya sa operasyon at mga paraphernalia. Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang apat na naaresto na nakaditine ngayon sa Malabon detention cell.