MANILA, Philippines – Patay ang itinuturong lider ng isang notoryus na sindikato na sangkot sa iligal na droga at panghoholdap makaraang makasagupa ang pinagsanib na puwersa ng Malabon at Navotas City Police sa naganap na “running gun-battle” sa dalawang lungsod kahapon.
Inisyal na nakilala ang nasawi na si Jong Sangre, lider ng “Sangre Group” na may operasyon sa Malabon at Navotas City. Patuloy namang bineberepika ang pagkakakilanlan sa pitong nadakip na kasamahan nito na hinihinalang ilan ay pawang mga menor-de-edad.
Isinugod naman sa Pagamutang Bayan ng Malabon si PO1 Nixon Ponchinian ng Malabon City Police-Special Reaction Unit nang tamaan ng bala sa paa buhat sa pamamaril ng mga suspek.
Ayon kay Northern Police District – Deputy Director for Operation, Sr. Supt. Edgar Danao, nagsagawa ng anti-crime operation ang pulisya sa Navotas City dakong alas-11:30 ng tanghali makaraang makatanggap ng impormasyon na isang grupo ng armadong lalaki ang nagpaplano ng pagpatay sa isang pulis na nakatalaga sa Navotas City Police.
Ito ay bilang pagganti umano sa pagkakapaslang kamakailan ng isa rin nilang lider na si Mercury Rodrigo na napatay nang magtangka umanong mang-agaw ng baril ng isang pulis-Navotas habang dadalhin ito sa piskalya.
Nagkaroon ng habulan nang magsisakay sa motorsiklo ang mga suspek hanggang sa umabot sa may Pampano Street sa Brgy. Longos, Malabon City. Dito nabaril ng mga suspek si Ponchinian na kasamang humahabol sa kanila.
Pinasok ng mga suspek ang isang bodega malapit sa City of Malabon University na kanilang kinubkob sa loob ng higit tatlong oras. Dakong alas-3 ng hapon nang pasukin ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at SRU ang gusali buhat sa ikatlong palapag hanggang sa mapatay si Sangre. Dito na nagsisuko ang mga kasamahan nito nang tumumba ang kanilang lider.
Narekober sa mga suspek ang ilang mga baril, granada at mga bala. Agad na dinala ang mga nasakoteng suspek sa Malabon City Police Headquarters para sa kaukulang pagproseso.